Bago natin simulan ang bagong kabanata sa buhay ni Karina Montefalcon, balikan natin ang kanyang nakaraan…
Napawi ang pagod at ngawit na ngawit na mga binti ni Jonred nang naupo sa isang upuan sa tapsilogan. Pinagtabi-tabi naman ng kanyang mga kasama ang isa pang mesa para makasama ang iba pang mga kaibigan nila. Umupo si Mama Tanya sa isang kabisera ng mesa, malapit sa kinauupuan ni Jonred. Hindi maitago ni Mama Tanya ang kanyang pagkainis.
“Ano’ng klaseng judge ang mga ‘yan,” tanong niya. “Bakit ikaw ang binigyan ng Darling of the Crowd?”
“Mother, okey lang,” sagot ni Jonred, na sa gabing iyon ay mas kilala bilang babaeng nagpatibok sa puso ni Marc Nelson, walang iba kundi si Patricia… Javier. “Mabuti na ‘yung may award kaysa sa wala.”
Tinawag ni Jonred ang isang bantay, “Ate, Tapsisi po sa akin saka isang Coke.”
Napatingin na lang kay Jonred ang iba pang mga kasama, malungkot din gaya ni Mama Tanya. “Alam mo naman kung kanino binibigay ang title na ‘yan,” sabi ni Reynaldo, na kilala sa parlor bilang Yna ngunit noong gabing iyon ay mas kilala bilang ang batang Ula na naging dalaga na. Walang iba kundi si Miss… Judy Ann… Santos.
“Ano po sa inyo,” tanong ng bantay.
“Longsisilog po Ate, saka tubig,” sagot ni Yna.
“Binibigay ang Darling of the Crowd sa pinakapangit at pinagtatawanan ng audience,” dugtong ni Billy na Billy rin ang tawag ng mga kapwa bakla. Nakapasok siya sa Semifinals ng pageant na pinagganapan sa kanto ng Metrica tatlong oras ang nakakaraan. Noong gabing iyon ay nagbagong-anyo siya bilang maging kamukha ng nagpabaliw sa masa noong dekada 80, walang iba kundi si Miss… Sheryl… Cruz. Sa kasamaang palad, hindi siya umabot sa Final 5.
Read the rest of this entry »